Marami sa mga mag-aaral ngayon na tanging sipag at pagsisikap lang na makapag tapos ang baon sa araw-araw nilang pagpasok sa eskwela, at madalas ay tinitiis na lamang nila ang kumakalam sa sikmura.
Marami ang nahabag sa videong inupload ng isang guro mula Janipaan Elementary School sa San Agustin Surigao Del Sur kung saan makikita ang tatlo niyang mga batang estudyante na ayon sa kaniya ay laging tinitiis nalang ang gutom dahil wala itong mga baon na pagkain sa eskwelahan.
"Nakaka-awa palagi ang mga batang ito kasi pumapasok sila na walang baon pang tanghalian nila. Nagtitiis lang sila sa gutom,"pagbabahagi ng guro na si Icy.
Pagbabahagi pa ni Teacher Icy, bilang guro at ina daw sa kaniyang sariling mga anak ay hindi niya kayang tingnan na lamang ang mga batang walang kinakain habang naghihintay na lang ng kanilang klase. Kung kaya naman ay isinasama na niya ang mga ito palagi sa kaniyang pang araw-araw na budget sa pagkain.
"Masakit sa damdamin ang makita silang hindi kumakain ng tanghalian dahil walang mga baon. Malalayo pa ang mga bahay nila sa paaralan."
Sa video ay makikita sa mga mata ng tatlong bata ang saya habang pinagsasaluhan nila ang isang malaking plato ng kanin at pinaghahatiang ulam na isda.
Nang tanungin ni Teacher Icy ang mga bata kung bakit hindi sila binibigyan ng baon na pagkain ng kanilang mga magulang ay sinagot siya ng mga ito na wala din daw pera ang kanilang mga magulang para bigyan pa sila ng pang baon.
Pumapasok din daw ang mga batang ito na walang mga suot na tsinelas at mga naka paa lang.
Ayon pa sa guro ay tinuturing na niyang mga sariling anak ang mga batang ito.
"Sila ang mga adopted ko na mga anak sa paaralan."
Maraming tao naman ang nagpasalamat at humanga sa kabutihan ni Teacher Icy dahil hindi lang siya basta simpleng guro ng mga bata kung hindi ay magulang narin sa mga ito.
Mabilis naman na nagviral ang Tiktok Video na ito ni Teacher Icy na umabot na sa halos kalahating milyon ang views. Marami din ang nagbigay ng mga positibong komento at reaksyon mula sa mga nakapanood nito. May mga tao ding gustong mag abot ng tulong sa mga pangangailangan ng mga bata.
Post a Comment